Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na dinismis ng panel of prosecutors ang kasong rebelyon laban sa 59 na indibiduwal na pinagsususpetsahang mga recruit ng Maute na naaresto noong Hulyo 25, 2017 sa Bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay at sa Zamboanga City.
Ayon kay Aguirre ito ay alinsunod sa findings ng panel of prosecutors na pinangunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong.
Wala umanong nakitang sapat na batayan ang lupon ng mga piskal patungkol sa reklamong inihain ng Western Mindanao Command o WESTMINCOM.
Kaugnay nito ay ipinag-utos na rin ng prosecutors na palayain na ang mga respondents na nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Lungsod ng Taguig.
Gayunman, sinabi ni Aguirre na maaari pang maghain ng apela o motion for reconsideration ang WESTMINCOM kung may bagong ebidensiya silang mailalantad.
Matatandaang nanindigan ang 58 sa mga respondents sa kanilang dalawang magkahiwalay na counter-affidavit na sila ay naloko lamang ng isa pang respondent na si Nur Supian na nagsabing sila umano ay ni-recruit para maging kasapi ng Moro National Liberation Front at kalaunan ay para maging sundalo.