5K tricycle driver sa Marikina sinalang sa COVID test

Inihayag ng pamahalaang lokal ng Marikina City nitong Biyernes na kanila nang natapos ang COVID-19 mass testing para sa mahigit 5,000 mga tricycle driver sa lungsod at lumalabas na apat lamang sa mga ito ang positibo sa coronavirus.

Ayon kay Mayor Marcelino Teodoro, apat lamang mula sa kabuuang 5,465 tricycle driver na isinailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) testing ang lumabas na COVID-19 positive.

“Dalawa lang sa apat na tricycle drivers ang taga-Marikina. Iyong dalawa doon ay nakatira sa mga kalapit na mga bayan,” ayon kay Teodoro.

Hanggang noong Miyerkoles ay nakapagsagawa na rin umano ng COVID-19 testing ang Marikina sa 4,312 mga manggagawa mula sa local shoe industry ng lungsod at 1,600 na mga kawani pa ng mga pabrika.

Isang manggagawa lang aniya sa shoe industry ang nagpositibo sa coronavirus.

“Tuloy-tuloy pa rin tayo ngayon ang pag-te-test sa workers natin. Mga 6,000 tayo. Dun sa mga private sector natin, industrial, manufacturing, commercial, mayroon tayong target na 8,000,” ayon kay Teodoro.

Matatandaang ikinasa ng Marikina ang rapid test matapos mapaulat na mayroong 50 tricycle driver ang nagpositibo umano sa COVID-19.(PNA)