Ubos na nang madiskubre ng isang 83-anyos na matandang dalaga ang halagang P5 milyon cash sa kanyang dalawang Automated Teller Machine (ATM) card at hindi madeterminang halaga ng mga alahas na unti-unti umanong ninakaw ng kanyang alaga na umano’y isang bading sa nakalipas na dalawang taon sa Malate, Maynila.

Kasama ang kanyang pamangkin na si Carmela Espiritu, inireklamo ng biktimang si Norma Guatno, taga-2224 Alejo Aquino St., Malate, Maynila ang suspek na si Ramon Concepcion, Jr., 36, at taga-2125 Consuelo Taal St., Singalong, Malate, Maynila.

Nabatid kay Espiritu na nitong Setyembre lamang nila nadiskubre ang pagnanakaw matapos na humingi ng bank account statement sa Philippine National Bank at Banco de Oro ang biktima pero lumitaw na simot na ang pera nito at wala na rin ang kanyang mga alahas.

Nabatid na pinagkatiwalaan umano ng biktima ang suspek at minsan pinag-withdraw, pagkatapos ay kinuha na nito ang ATM ng biktima at isinoli ng wala nang laman.

“Panay ang punta niya (suspek) sa Bangkok, dala niya yung ATM nu’ng matanda at nagpapanggap siyang may trabaho,” ani Espiritu.

Nalaman na hindi nakatira ang suspek sa bahay ng biktima at pinupuntahan lamang nito ang matanda kapag kailangan saksakan ng ­“insulin” na gamot sa diabetis.

Nahaharap ngayon sa kasong Qualified Theft sa Manila Prosecutor Office (MPO) ang suspek.