Binayaran na ng Philippine Accident Management and Insurance Agency (PAMI) ang insurance claim ng siyam na nasawing pasahero sa naganap na aksidente sangkot ang isang bus unit ng Davao Metro Shuttle Bus Corp. sa Davao City.

 

 

Sinabi ni PAMI President Peaches Atayde-Buendia na ang mga naulilang pamilya ng mga nasawi sa Davao accident ang unang mga benepisaryo ng insu­rance claim na dinoble ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

 

 

Mula sa dating P200,000 insurance claim, nasa P400,000 ngayon ang natanggap ng pamilya ng mga nasawi sa aksidente habang ang mga pasahero na nagtamo naman ng “total disability, loss of two limbs at loss of two eyesight” ay makakatanggap na ng P200,000 buhat sa dating P100,000.

 

“Ikinagagalak namin na nakatugon ang PAMI sa paglalabas ng tamang claim ng kauna-una­hang mga benepisaryo ng dinobleng accident insurance na itinakda ng pamahalaan,” ayon kay Atayde-Buendia.

 

Ito ay makaraan na maglabas ang LTFRB ng Board Resolution No. 076 Series of 2018 nitong nakaraang Set­yembre 2018 na nag-aapruba sa panukala ng 1-UTAK Partylist na itaas ang insurance claims upang makatugon ito sa iba’t ibang sitwasyon.

 

Inihayag pa ni Atayde-Buendia na nasa P5 milyon ang kanilang inilabas na insurance claim para sa naturang aksidente noong Pebrero 4 sangkot ang Davao Metro Shuttle Bus na may siyam na sakay na nasawi habang dalawang pasahero ng nakabungguan na Bachelor Express ang nagtamo naman ng malubhang pinsala.