6 buwang kulong, P50K multa sa walang face mask

Wala nang pakiusapan o alibi ang sinumang mahuhuling hindi nakasuot ng face mask at agad ang mga itong ikukulong ng isa hanggang anim na buwan at pagmumultahin ng P20, 000 hanggang P50,000 sa Quezon City.

Inatasan ni QC Mayor Joy Belmonte ang law enforcers na paigtingin ang pagpapatupad ng Executive Order (EO) 25, na nagmamandato sa pagsuot ng face mask sa lahat ng mga nasa pampublikong lugar.

“Dahil face mask ang isa sa pangunahing depensa laban sa COVID-19, paiigtingin natin ang kampanya upang masanay ang lahat na magsuot nito sa mga pampublikong lugar,” ani Belmonte.

Ayon sa alkalde, kung dati ay hindi gaanong mahigpit at ang mga awtoridad pa ang nagbibigay ng face mask, ngayon, kapag walang face mask ang mga residente, agad na silang maparurusahan.

“Kapag naaprubahan ang paglipat sa GCQ, dapat paigtingin ang pagpapatupad ng ating kautusan sa pagsusuot ng face mask upang mapigil ang pagkalat ng virus,” ani Belmonte.

Nakabatay ang penalties ng EO 25 sa mga parusa para sa mga lalabag sa Republic Act 11332, kasama ang pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan, at multang P20,000 hanggang P50,000.

“Sa pag-aaral na ito, makikitang malaki ang naitutulong ng pagsusuot ng face mask para mabawasan ang kaso ng COVID kaya dapat nating ugaliin ang paggamit nito tuwing nasa pampublikong lugar,” pahayag pa ni Belmonte.

Giit ng alkalde, dapat makaugalian na ng mga residente ang pagsusuot ng face mask, na isang paraan upang malabanan ang pagkalat ng COVID-19.

“Sa tagal na ng COVID-19 pandemic, dapat nakaugalian na nating magsuot ng face mask dahil ito’y para sa ating kalusugan at kaligtasan,” dagdag pa nito. (Dolly B. Cabreza)