6 buwis buhay sa buy-bust

Umabot sa 6 na pinaghihinalaang drug pusher ang magkakasunod na nasawi, habang isa ang naaresto sa tatlong magkakasunod na buy-bust operation, kahapon sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila.

Sa imbestigasyon nina SPO4 Glenzor Vallejo at PO3 Marlon San Pedro ng MPD-Homicide Section, unang isinagawa ng mga tauhan ng MPD-Police Station 2 ang buy-bust ope­ration dakong alas-12:48 ng hatinggabi sa Moriones St., Tondo, Maynila.

Napatay dito ng mga pulis si Frankie Neri, nasa 30-35-anyos at taga-Building A Sambahayanan, Kagi­tingan St., Tondo, Maynila matapos manlaban.

Dakong ala-1:30 ng madaling-araw naman nang mapatay ng mga tauhan ng MPD-PS 2 sina Rolando Morales, 43; kapatid nitong si Restituto, 35, kapwa taga-297 Sta. Rita St., Tondo; at Marvin Varona, 25, taga-8548 Sta. Bernardita St., Tondo.

Naisugod pa ang mga ito sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) pero pare-parehas binawian ng buhay.

Sinasabing tapos na ang transaksiyon ni Rolando sa pulis na nagpanggap na poseur buyer nang makahalata na pulis ang katransaksiyon kaya humingi ito ng tulong kina Restituto at Varona pero pare-parehas silang nabaril ng pulisya.

Samantala, pasado alas-12:00 ng tanghali kahapon nang mapatay ng mga tauhan ng MPD-Police Station 3 ang dala­wang pinaghihinalaang drug suspek sa malapit sa P. Guevarra St. kanto ng Sulu St., Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ang mga nasawi na si Raymart Mendoza, 20, ng Tambunting St. at Manuel Aromina, 51, ng Sulu St., Sta. Cruz, Maynila.

Arestado naman si Teresita Buenviase, 45, taga-Sulu St., Sta. Cruz, Maynila.