6 dinampot sa hoarding ng medical supplies, vitamins

Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang anim na katao kabilang ang isang Chinese national na nangho-hoard ng medical supplies at vitamins sa isang entrapment operation noong Abril 20, 2020 sa may Narra St., Tondo, Maynila.

Ang operasyon ng MPD ay nag-ugat sa isang intelligence report kaugnay sa umano’y pagbebenta ng face masks at vitamins ng Food and Drugs Administration (FDA) at ibinebenta umano ng mas mataas sa itinakdang retail price ng Department of Trade and Industry (DTI).

Kabilang sa mga inaresto sina Dong Li, Chinese National; Andrew Gan Cua, Israel Najera y Calimlim, Ropy Dejucos y Mesa, Ike Valenciano y Villanueva at Teodoro Berbabe Jr.

Narekober ng mga pulis ang 3 kahon ng facemask na nagkakahalagang P169,000.00; 18 kahon ng Multi-vitamins capsule na P720,000 at isang kahon na test kits na nagkakahalagang P180,000.00.

Sinampahan ang mga suspek sa Manila Prosecutors Office ng kasong paglabag sa Bayanihan Act, Consumer Act, Price Act, at Mandatory Reporting of Notifiable Diseases at Health Events of Public Health Concern Act. (Juliet de Loza-Cudia)