6 dinampot sa Makati apartelle drug raid

Inaresto ng pulisya ang anim na katao na nakumpiskahan din ng iligal na droga sa loob ng sinalakay na apartelle sa Makati City kahapon ng madaling-araw.

Sa selda ng Makati City Police Station ang bagsak ng mga suspek na sina Sherman Tolentino, 38; Conrado Cuaresma, 36; Maricris Miranda, 36; Ricky Jerusalem, 25; Leonel Sumagaysay, 25; at Azer Espina, 40.

Base sa ulat ni Sr. Supt. Ro­gelio Simon, hepe ng Makati City Police ala-1:30 nang madaling-araw nang maaresto ang mga suspek sa Room 201 ng Rosita Apartelle na matatagpuan sa panulukan ng Gen. Mascardo at M. Reyes St., Brgy. Bangkal.

Nasamsaman sa mga suspek ang limang selyadong pakete ng umano’y shabu, dalawang pakete ng marijuana, mga drug paraphernalia, isang Armscor caliber .45 pistol, mga cellphone, isang timbangan at da­lawang motorsiklo.