Kinansela kahapon ng Ninoy Aquino Internatio­nal Airport (NAIA) ang pagbiyahe ng anim na domestic flight makaraang makaranas ng masamang panahon sa northern Luzon dahil sa bagyong `Carina’.

Base sa flight advisory ng Media Affairs Division ng NAIA, kinansela ang dalawang flight ng Cebu Pacific 5J- 506/507 mula sa Manila-Tuguegarao.

Habang apat naman na flight ng Philippine Airlines (PAL) ang kinansela kabilang dito ang 2P 2196/2197 Manila-Laoag-Manila; 2P 2014/2015 Manila-Tuguegarao-Manila.

Maaaring madagdagan umano ang kanselasyon ng flight kapag lumala pa ang sama ng pahahon sa Cagayan.

Nanatili naman normal ang international flight ope­rations sa apat na passenger terminal ng NAIA.

Samantala, halos 5,000 katao ang stranded sa mga pantalan sa Bicol at Eastern Visayas dahil sa bagyong Carina.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may kabuuang 4,931 pasahero ang kasalukuyang stran­ded sa 20 pantalan sa Bicol at Eastern Visayas.

Inihayag naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na mahigit 600 rolling cargoes, 46 vessels at 34 bangka ang pansamantalang pinigil na makala­yag sa dalawang rehiyon.

Nag-landfall na kahapon ng hapon ang bagyong `Carina’ sa Cagayan.