Isa na namang malagim na aksidente ang nangyari sa Malabon City kung saan ay dalawang pampasaherong bus ang nagkarerahan na nagresulta ng pagkasugat ng anim na pasahero kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Malabon City Police-Traffic Enforcement Unit, alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng MacArthur Highway na sakop ng Barangay Potrero ng nasabing lungsod.
Nakikipagkarera umano noon ang driver ng unit ng A.C. Trans na si Rodel Celemenia sa isa pang bus at nang maunahan niya ito ay hindi niya namalayang nakahinto sa harapan ang isang unit ng Pena Liner na minamaneho naman ng driver nitong si Brando Tumbali kaya sumalpok ito dito.
Sa lakas ng impact ay nawasak ang pintuan, nayupi ang harapang bahagi ng bumanggang bus habang wasak na wasak din ang likurang bahagi ng binanggang bus.
Anim na pasahero ni Celemenia ang sugatan, ang iba sa kanila ay basag ang nguso, ang iba ang nagkatanggal-tangal ang mga ngipin sa harapan at ang iba ay nagtamo ng minor injuries.
Wala namang naiulat na nasaktan sa mga pasahero ng binanggang bus, ayon naman sa driver nito ay nakita pa umano niya ang driver ng bumanggang bus ngunit bigla na lamang umano itong naglaho bago makaresponde ang mga tauhan ng pulisya.