6 katao timbog sa pot session sa sementeryo

drug-bust-arrested

Anim na katao kabilang ang tatlong kababaihan ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahuli sa akto na salitang naghihithitan ng shabu sa isang sementeryo sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni PS/Supt. John Chua, ganap na alas-dos pasado ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspek na sina Maricel Canumot, Wenielyn Alfis, Fermina Martin, Resty Arjun, Marvin Lumejuco at Ronnie Cabanauan na pawang mga nasa hustong gulang at mga taga-Valenzuela.

Naaktuhan umano ang mga ito ng mga nagpapatrolyang alagad ng batas sa aktong nagsasagawa ng shabu session sa Tugatog Cemetery na matatagpuan sa Dr. Lacsono, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.

Mahigpit umanong binabantayan ang nasabing sementeryo dahil sa ito umano ang ginagawang puwestuhan ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, dahil hindi matao at madilim sa lugar.