6 kompanya sa QC kinasuhan ng tax evasion

Anim na kompanya sa Quezon City ang sinampahan ng magkakahiwalay na kaso ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) dahil sa hindi umano pagbabayad ng buwis na umaabot sa P109 milyon ang kabuuang halaga mula 2010 hanggang 2012.

Kabilang sa mga kinasuhan ng paglabag sa Section 255 ng National Internal Revenue Code of 1997 ang W2 Electro Mechanical Systems and General Contractor Inc. (W2), MH Poly-Electromechs Inc. (MHPI), SND99 Food Corporation (SFC), at Aenschem Technologies Inc. (ATI).

Kasama sa kinasuhan ang kanilang mga corporate officer kabilang dito sina W2 President Wilfredo Lucas, MHPI Managing Director Arnel Victorio at Treasurer Edgar Victorio, SFC President Danilo Vitan Jr., at ATI President Mary Geronimo.

Umaabot sa P92.19 milyon ang kabuuang ha­laga ng pagkakautang sa buwis ng mga nabanggit na negosyo.

Nahaharap din sa kasong tax evasion sina Adelia Ramenda ng Future Link Research Services at Ma. Cecila Galang ng Altis Construction, dahil sa hindi umano pagbabayad sa BIR ng buwis na umaabot sa P17.14 milyon ang kabuuang halaga.

“The respondents’ failure and continued refu­sal to file or pay their long overdue deficiency taxes, despite repeated demands, constitute willful failure to file or pay the taxes due to the government,” batay sa pahayag na inilabas ng BIR nitong Huwebes. (Yves Briones)