6 nagprotestang jeep driver inaresto

Sinampahan ng kasong disobedience to social distancing at mass gathering, at resistance to persons in authority, ang anim na jeepney na nagsagawa ng kilos protesta kaugnay sa ginawang pag-ban ng mga pampasaherong jeep noong Martes sa Caloocan City.

Ayon sa Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operation Nationwide (PISTON) isasailalim sa inquest proceedings at pagmumultahin ng tig-P3,000 ang kada driver.

Iginiit naman ni Ruben Baylon, deputy secretary general ng PISTON na lumahok sa kilos protesta na sumunod sila sa physical distancing at nakasuot pa sila ng face masks.

Nabatid na unang inimbitahan ng Caloocan Police ang anim pero kalaunan ay dinala sa city hall para sampahan ng kaso.

Kaugnay nito giniit naman ni George San Mateo, national president emeritus ng PISTON na kung pinuwersa ang anim na driver maituturing umano itong illegal detention.

Dapat umanong maunawaan ng mga pulis na nawalan nang pagkakakitaan ang mga driver sa loob ng halos mag tatlong buwan na at hindi sila pinayagan na makapag maneho kahit pa nasa ilalim na tayo ng GCQ.

Sinabi ni Mateo na ang gutom ang nagtulak sa mga driver para magsagawa ng kilos protesta.(Juliet de Loza-Cudia)