Nasa 104 lang o mahigit anim na porsiyento ng 1,632 local government unit (LGU) ang nagawang makumpleto ang paglalabas ng P5,000-P8,000 emergency cash subsidy para sa low-income family sa ilalim ng Social Amelioration Program, na ipinatupad bilang tulong sa gitna ng health crisis dahil sa COVID-19.

Ayon kay Irene Dumlao, Department of Social Welfare and Development social marketing service officer-in-charge, nasa 104 na LGU lang ang nakakumpleto sa payout, habang 10 lamang ang nakagawa ng 100% liquidation sa SAP funds na kanilang natanggap mula sa Department of Social Welfare and Development at naibahagi ito sa mga eligible na pamilya.

Kabilang sa 10 LGUs na tinukoy ni Dumlao ay ang Adams, Ilocos Norte; Pandi at San Miguel na parehong nasa Bulacan; Casiguran, Sorsogon; San Vicente, Camarines Norte sa Bicol Region; Jordan, Guimaras; Buenavista, Guimaras; EB Magalona, Negros Occidental; at Sulop at Taragona na parehong nasa Davao del Sur.

Matatandaan na una nang sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na pinayagan niya ang partial liquidation ng SAP upang maproseso ang validation at maiwasan ang pagkaantala sa release ng ikalawang bahagi ng emergency cash subsidy funds ngayong buwan.

Samantala, ipinunto ni Bautista na noong April 29, ay umabot na sa P80.8-billion ang na-distribute ng DSWD na SAP fund sa 1,515 na mga LGU habang nasa 9.4-million na benepisyaryo na ang nakinabang sa first tranche.