Anim na kababaihang pinangakuang magtrabaho sa Middle East bilang domestic helper ang sinagip nang ikulong diumano sa isang apartment sa Barangay Sta. Cruz Guiguinto, Bulacan.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga ito na sina Maricel Egos, 46; Leah Janopol, 42; Flordeliza Calmador, 46; Michiline Andre, 39; Irish Amamag-Id, 38; at Laila Sales, 23, na nasa pangangalaga na ng lokal na pamahalaan.

Inihahanda naman ang kasong illegal detention laban sa nahuling illegal recruiter na nakilalang si Lisa Mantad, 45, na sinasabing konektado diumano sa travel agency na nakabase sa Las PiƱas at Makati City.

Ginawa ang operasyon noong Lunes ng hapon makaraang makatanggap ng mensahe sa Facebook page ang Guiguinto Police mula sa mga biktima hinggil sa pagkakulong nila sa lugar matapos i-recruit ng suspek sa kanilang mga probinsya.

Pinangakuan diumano sila ng suspek ng trabaho sa ibang bansa pero hindi ito anngyari at sa halip ay kinulong ito sa apartment mula pa noong Marso 8 hanggang abutan ng enhanced community quarantine sa lugar kaya humingi na sila ng tulong sa pulisya gamit ang social media. (Jun Borlongan)