Nasawi ang driver ng tricycle habang sugatan naman ang tatlo pang trike driver sa naganap na karambola ng mga sasakyan sa Honorio Lopez corner San Rafael St., Balut, Tondo, Maynila.

Kinilala ang nasawi na si Felix Patilagan, nasa hustong gulang, ng Agora, Navotas City. Ginagamot naman sa Tondo Medical Center sina Rafael Santos, 32-anyos; Sherwin Caguco, 16; Simplicio Elcalma, 14 at Norbeto Trogon, 63, pawang taga-Tondo.

Nahaharap naman sa kasong 1 count ng reckless imprudence resulting in homicide with multiple physical injuries at damage to pro­perty si Michael Russel Lopez, 25-anyos, ng 275 Aplaya St., Balut, Tondo.

Ayon kay P/Sr. Insp. ­Jaime Gonzales, deputy chief ng Investigation sa Manila Police District-Traffic Enforcement Unit, alas-5:30 ng madaling-araw nang umano’y mabangga ng Toyota Vios (A3-8R830) na minamaneho ni Lopez ang tricycle na minamaneho naman ni Patilagan hanggang sa magkarambola ang iba pang tricycle at madamay ang Honda Click (1303-0568283) at tatlong tricycle.

Mabilis na isinugod sa nasabing pagamutan ang mga biktima, subalit hindi na ­umabot nang buhay si Patila­gan.