Sugatan ang anim na katao makaraang bumangga ang isang tricycle sa nakaparadang police truck ng Manila Police District (MPD) sa U.N. Avenue sa lungsod ng Maynila.

Isinugod sa Manila Medical Center ang mga biktima na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng MPD-Traffic Bureau, nangyari ang aksidente dakong alas-sais ng umaga sa direksyon ng Taft Avenue habang sakay ang mga biktima ng tricycle.

Kinilala ang driver ng tricycle na si Agie Ramon, nasa hustong gulang, na nagsabing may iniwasan itong kotse habang binabaybay ang nasabing kalsada at dahil sa mabilis ang takbo nito ay hindi na naiwasan ang pagbangga sa isang nakaparadang truck ng MPD.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang dalawang babaeng pasahero na nakasakay sa likod ng driver habang ang driver na si Ramon ay nagtamo rin ng sugat sa mukha at leeg at pilay sa kanang braso.

Duguan din ang da­lawa pang estudyante na nakaupo naman sa loob ng tricycle.

Ayon sa isa sa mga pasahero na si Angelica Ramirez, mabilis ang takbo ng tricycle kaya sila nadisgrasya.

Maging ang naglalakad sa kalye na si Lira Mundac ay nahagip din ng tricycle kaya nasugatan at napilay.

Sa imbestigasyon, inamin ni Ramon na student permit lamang ang kanyang lisensya sa pagmamaneho kaya’t posibleng maharap ito sa patung-patong na kaso.