6 tanod nagpanggap na ‘kotong cops’

arrested

Anim na barangay tanod kabilang ang isang babae ang naaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Philippine Natio­nal Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) matapos umanong magpanggap na mga pulis at mangikil sa isang truck driver at helper na kanilang hinuli kahapon ng umaga sa Taguig City.

Kinilala ni Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, hepe ng PNP-CITF, ang anim na suspek na sina Regie Adrales, Rolly Barcelo, Bobby Tejero, Antonio Bontia, Antonio Ba­­g-ao at Staphanie Villanueva, pawang nasa hustong gulang at mga barangay tanod sa Barangay West Bicutan, Taguig City.

Ayon kay Malayo, alas-9:30 ng umaga nang maaresto ang anim sa mismong kanilang pinaglilikurang barangay hall sa Barangay West Bicutan nang nasabing lungsod.

Sinabi ni Malayo, nakatanggap sila ng report hinggil sa pagkakadampot sa isang truck driver at helper na hindi na binanggit ang mga pangalan, noong Biyernes ng gabi kaugnay sa kasong droga.

Sa imbestigasyon, dumulog sa San Rafael Bulacan Police Station ang isang ginang na hindi na binanggit ang pangalan na asawa ng driver upang i-report ang pag-aresto sa kanyang mister at kasamang helper ng anim na kalalakihan.

Pahayag ng ginang hinihingan ng P36,000 ang dalawang biktima para sa multa sa pagkakadakip. P6,000 sa helper at P30,000 naman sa kanyang asawa kapalit ng paglaya.

Ngunit nang walang maibigay ang dalawa sa nasabing halaga ay dinala at ikinulong ng mga barangay tanod sa kanilang Barangay Hall sa West Bicutan dahilan para matuklasang hindi mga pulis ang umaresto.