Nabitag sa buy-bust operation ng mga pulis ang isang grupo na sangkot sa online sale ng high-grade marijuana o kush sa Mandaluyong City kamakalawa nang gabi.

Base sa ulat ng tanggapan ni Supt. Igmedi Bernaldez, hepe ng Mandaluyong Police Station 5, kinilala ang mga inaresto na sina Michael Dankin, 26; Andre Daniel Pilapil, 19; Tyron James Reyes, 18; Jhon Anthony Padua, 21; Vance Somera Sison, 30; at ang nag-iisang babae sa grupo na si Rona Andrade, 20.

Ayon kay Inspector Rowell Robles, natunton nila ang sindikato sa pamamagitan ng pakikipag-chat sa Facebook messenger ng mga suspek na nag-aalok ng high-grade marijuana.

Sabado nang gabi ikinasa ng mga ope­ratiba ng pulisya ang buy-bust operation sa labas ng isang mall sa Mandaluyong.

Kumagat ang mga suspek at nakabili ang mga awtoridad ng mahigit 200 gramo ng kush kung kaya’t doon na isinagawa ang pag-aresto sa kanila.

Nabatid na pawang estudyante diumano sa iba’t ibang kolehiyo at uniberisad ang parokyano ng mga suspek at ang iba ay banyaga.
Ang puhunan umano sa iligal na negosyo ng grupo ay mula sa puhunan ng itinayo nilang hindi rehistradong investment company. Galing pa umano sa ibang bansa ang ibinebentang high-grade marijuana ng mga suspek.

Sinampahan na sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.