600 taxi hinarang sa EDSA

HINARANG ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga taxi na pumasada at dumaan sa kahabaan ng EDSA, sa kabila ng pinatupad na travel ban kaugnay ng enhanced quarantine sa buong Luzon.

Subalit imbes na hulihin ang tinatayang 600 taxi sa EDSA, pinatawad muna ng PNP-HPG ang mga driver at sinabihang gumarahe na.

Kasabay na rin ito ng ipinatutupad na enhanced community quarantine ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay PNP-HPG Director Police Brig Gen. Eliseo Cruz, kinunan na lang nila ng larawan ang lisensya ng mga taxi driver at pinauwi na rin ang mga ito.

Subalit, nilinaw ni Cruz na binigyan nila ng babala ang mga tsuper sa panganib na dulot ng nakamamatay na virus, bukod pa ‘yan sa mga pag­labag na kanilang kahaharapin sa kanilang pagsuway.

Una rito, inihayag ni Cruz na hihintay lang nila ang pasya mula sa Land Transportation Franchisin­g and Regulatory Board (LTFRB) at LandTransportation Office (LTO) kung ano ang gagawin sa mga taxi na kanilang naharang dahil sa hindi pagsunod sa enhance community quarantine.

Subalit ayon naman kay Transportation Assistance Sec. Goddess Hope Libiran, ang PNP ang siyang naatasang magpatupad ng mga nakasaad sa inilabas na guidelines kaya susundin nila anumang desisyon nito. (Edwin Balasa)