Tinatayang nasa 600,000 bilang ng mga ibon ang nakatakdang isailalim sa culling process ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, mula sa da­ting 200,000 na original target ay tumaas na sa 600,000 na manok ang mga infected ng avian flu sa San Luis, Pampanga na nasa loob ng 7-kilometer radius zone.

Sinabi ng kalihim na mismong ang mga farm owners na ang nasa labas ng 1-kilometer radius zone ang nagpahayag na kanilang kagustuhan na maging bahagi ng chicken depopulation.

“Sabi nila kung makakatulong in containing the spread of the virus they are willing to make sacrifice,” ayon sa kalihim.

Idinagdag pa ni Piñol, na nasa 36 mga nagma­may-ari ng poultry farms na ang nag-volunteer na magpakatay ng kanilang mga manok at kanila umano itong itinuturing na malaking tulong sa pagla­ganap ng virus sa naturang lugar.