606 empleyado sisibakin ng Coca-Cola

coca-cola

Mahigit 600 na mga empleyado ng softdrinks giant na Coca-Cola FEMSA Philippines, Inc. ang apektado ng nakaamba na malawakang sibakan sa nasabing kompanya dahil umano sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ibinunyag ni Alfredo Marañon, presidente ng Federation and Cooperation of Cola, Beverage and Allied Industry Unions, na idinahilan ng kompanya ang dagdag na buwis sa sugar-sweetened beverages kung bakit sisibakin ang may 606 empleyado nito pagpasok ng buwan ng Marso.

Sinabi ni Marañon na gustong magbawas ng mga tao ang Coca-Cola FEMSA Philippines, Inc. at ililipat na lamang sa third party providers o outsourcing ang mga trabahong mababakante.

Subalit kinuwestiyon nito kung tunay nga ba na sanhi ng epekto ng TRAIN Law sa presyo ng mga sugar-sweetened beverages na katulad ng softdrinks ang dahilan ng nakaambang sibakan sa hanay ng mga manggagawa ng Coca-Cola.

Ipinunto ni Marañon na kung ano ang idinagdag na buwis sa mga sugar-sweetened beverages ay iyon din ang ipinatong na presyo ng Coca-Cola sa kanilang mga produkto.

Samantala, kinondena rin ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang diumano’y union busting ng Coca-Cola at ang paglabag nito sa collective bargaining agreement dahil ang ilan umano sa mga masisibak na manggagawa ay mga opisyal ng union at hindi rin inabisuhan o kinonsulta ang mga empleyado sa situwasyon ng kompanya.