Inanunsyo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nangangaila­ngan ng 60,000 caregiver sa Japan.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, ang mga caregiver ay magtatrabaho sa mga elderly care institution para sa mga senior citizen na Hapones.

Bukod sa caregiver, sinabi ni Olalia na nanga­ngailangan din ang Japan ng 300 dayuhang manggagawa para sa iba’t ibang sektor katulad ng food service industry, construction, agriculture, manufacture of food and beverage, accommodation industry, building cleaning manage­ment, machine parts and tooling, industrial machinery, fisheries and aquaculture, electric, electronics and information, aviation industry, automobile repair and maintenance, shipbuilding at ship machinery.

Gayunman, nilinaw ni Olalia na limitado lamang ang pagpapadala ng mga construction worker sa Japan dahil kailangan ang mga ito para sa infrastructure program ng Pilipinas.

Aniya, maglalabas sila ng regulasyon para limitahan ang deployment ng mga construction worker.
Samantala, pinayuhan ni Olalia ang mga apli­kante na hintayin ang kanilang abiso tungkol sa bagong visa ng Japan dahil sa Marso 19 pa ito pipirmahan.

Ang mga private recruitment agency aniya ang magpoproseso sa employment ng mga qualified foreign worker sa ilalim ng bagong specia­lized skilled worker visa ng Japan na epektibo sa Abril 1.

May dalawang klase aniya ang bagong visa: isa para sa semi-skilled worker katulad ng caregiver na may limang taon na kontrata at panga­lawa para sa highly-skilled worker na maaaring mabigyan ng immigrant status pagkatapos ng kanyang kontrata, sa loob din ng limang taon.