Arestado ang 76 katao na kinabibilangan ng 63 Chinese national at 13 Pinoy sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) noong Martes sa Makati City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas, nilusob ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD), District Intelligence Division at Special Operations Unit sa pakikipagkoordinasyon sa Makati City police ang mga Unit number 402, 403, 404, 405, 406 at 409 ng isang residential building sa no. 8884, Obrero St., Barangay Olympia ng nabanggit na lungsod dakong alas 11:30 bago magtanghali nitong Martes.

Ayon kay Sinas, nag- ugat ang operasyon matapos ang sumbong mula sa isang informant hinggil sa pagkakaroon ng online gambling activity sa nasabing lugar na ino-operate ng Chinese national na si Xiao Bao at hindi nakarehistro sa Makati City Business Permit Office.

Matapos na magpositibo ang case validation at surveillance operation ay agad isinagawa ang raid kung saan naaktuhan ang 63 mga Chinese national at 13 Pinoy na mga empleyado ng iligal na POGO operation.

Bukod sa iligal, nilabag din ng nasabing na mga empleyado ang enhanced community quarantine (ECQ) protocol para maiwasang kumalat ang COVID-19.

Nasamsam sa nasabing raid ang mga laptop, cellphone, internet modem at iba pang gamit ng mga empleyado sa kanilang iligal na operasyon habang hindi naman nadakip si Xiao Bao.

Sa ngayon ay dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga naarestong mga suspek gayundin ang mga nakumpiskang mga gamit.(Edwin Balasa)