Ibinunyag kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na 64 sa 82 politiko na nasa narco-list ang tatakbo sa eleksyon ngayong taon.
“I think it’s 64 (local officials). They filed their COCs (Certificate of Candidacy) and the remaining 18 decided not to file,” pahayag ni Aquino sa mga reporter matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng PDEA at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa ngayon aniya, may utos sa kanila na ilabas ang listahan pero hindi umano nila ito magagawa agad dahil hindi pa tapos ang revalidation ng mga narco-politiko.
Aniya, ilan sa mga nasa listahan ay sinasabing drug lord habang ang iba naman ay nagbibigay ng proteksyon sa kalakalan ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan.
Samantala, inamin ng Malacañang na galing sa wiretapping ng mga kaalyadong bansa ang impormasyon sa narco-list na hawak ng mga awtoridad.
“Ang nagpo-provide sa atin mga…sa ibang bansa. Ang magagaling diyan Israel, magaling diyan America, Russia, China. In other words, they provide us with information,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.