66 Abu Sayyaf kulong sa 2000 Basilan kidnapping

Matapos ang halos dalawang dekada, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo o reclusion perpetua ang 66 lider at miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pagdukot ng 52 katao sa Basilan.

Sa 391 pahinang desisyon ng Pasig Regional Trial court Branch 261, guilty sa kasong kidnapping at illegal detention ang mga lider at miyembro ng ASG. Kasama sa mga kinasuhan noon sina Kadafy Janjalani at Abu Sabaya na pareho ng napatay sa operasyon ng militar.

Pinagbabayad din ng halagang higit P9 na milyon ang bawat buhay na akusado bilang danyos sa 52 dinukot nila noon.

Marso ng 2000 nang dukutin ng Abu Sayyaf ang mga guro at mag-aaral ng Tumahubong Claret Elementary School sa Basilan.

Magugunitang umakyat pa sa kuta ng mga ASG ang aktor na si Robin Padilla para kausapin silang pakawalan lalo na ang mga bata.

Unang pinakawalan noon ang nasa 18 hostage kapalit ng 200 sako ng bigas pero pinatay pa rin nila sina Father Rhoel Gallardo at 3 lalaking guro na kasama sa bihag.