Pinasasampahan ng 69 kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) ang isang Australian pedophile na binansagang ‘porno king’ at nasa likod ng kontrobersiyal na ‘Destruction of Daisy’ sex at physical abuse videos.

Nabatid na una nang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) – Anti-Human Trafficking Division si Peter Gerard Scully dahil umano sa pangmomolestiya ng mga bata kabilang na ang 18 buwan na sanggol.

Sa 151-pahinang reso­lusyon na isinulat ni Assistant State Prosecutor Jinky Dedumo, si Scully ay pinakakasuhan ng walong bilang ng kasong qualified traffic­king in persons, siyam na bilang ng kasong child abuse, limang bilang ng kasong indecent show, obscene exhibition at publications, limang bilang ng kasong syndica­ted child pornography, 25 bilang ng photo and vi­deo voyeurism, anim na bilang ng kasong rape by sexual assault at dalawang bilang ng kasong rape by sexual intercourse

Ang reklamong murder laban kay Scully na may kinalaman sa pagkamatay ng dalawa sa kanyang mga biktima na itinago sa alyas na ‘Barbie’ at ‘Cindy’ ay ibinasura dahil isinama na ito sa kasong qualified trafficking.

Ang dati namang live-in partner ni Scully na si Liezyl Margallo ay pinasasampahan ng patung-patong na kaso ng quali­fied trafficking, child abuse, indecent shows, syndicated child porno­graphy, photo at video voyeurism at rape by sexual assault.

Kasama rin sa pinakakasuhan ng kaparehong paglabag ang lima pang respondent na sina: Christian Rouche, Alexander Lao, Haniel Caetano de Oliveira, Marshall Ruskin at Ma. Dorothea Chia.