Isang ama ang inaresto ng mga tauhan ng pulisya matapos na ireklamo ng kanyang hipag ng panggagahasa sa sariling anak sa Lungsod ng Malabon kamakalawa ng hapon.

Sa ­pakikipag-ugnayan ng Malabon City Police sa Caloocan City Police ay naaresto sa kahabaan ng Rizal Avenue, Monumento, Lungsod ng ­Caloocan ang suspek na itinago sa pangalang Joel (para maproteksiyunan ang kanyang anak), 37, isang ­barker ng pampasaherong jeep matapos na ireklamo ng kanyang hipag na itinago rin sa pangalang ­Heidi na siyang pinagsumbu­ngan ng biktimang itinago naman sa pangalang Lolette, pitong taong gulang, nasa ikalawang ­baitang sa elementarya ng Barangay Santulan, Lungsod ng Malabon.

Sa bisa ng arrest warrant na ibinaba ng Malabon City-Regional ­Trial Court ay agad na nagtulungan ang pulisya sa ­dalawang lungsod upang masakote si Joel na agad din namang naaresto ganap na alas-5:45 ng hapon habang nagtatawag ng pasahero sa Monumento.

Sa sumbong ng ­biktima, halos ­gabi-gabi ­umano siyang ­ginagahasa ng kanyang ama sa ­tuwing matutulog na ­sila sa kanilang inuupahang kwarto sa Barangay ­Santulan.

Ngunit mariin itong pinabulaanan ng suspek at ayon sa kanya ay ­wala umano siyang kaalam-alam sa mga ibinibintang ng kanyang hipag sa kanya. Hindi umano niya iyon magagawa sa kanyang sariling anak.

Ngunit taliwas ito sa sumbong ng mismong bata na nagpositibong ni-rape matapos na ­makitaan ng mga laceration sa ­isinagawang ­medico ­legal sa tanggapan ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO).

Minsan na rin umanong narinig ng tiyahin ng biktima sa gitna ng hatinggabi ang pag-iyak ng paslit habang sinasabi ang mga katagang “aray, masakit!” nang kaniya umano itong katukin sa silid ay sumagot lamang ang suspek na tinotoyo umano ang biktima at ­ayaw magpatulog.

Napag-alaman na may dalawang taon ng ­patay ang ina ng biktima na ­asawa ng suspek dahil umano sa sakit na cancer. Simula ­umano noon ay ­inumpisahan nang molestiyahin ng suspek ang anak nito.