Dahil sa reklamong ipinarating ng concerned citizen sa Department of Trade and Industry (DTI), pito katao ang naaresto sa magkasunod na operasyon sa iligal na pagbebenta ng rubbing alcohol, sa magkahiwalay na lugar sa Tondo, Maynila, noong Lunes ng hapon
Base sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ipinarating sa kanilang tanggapan ang reklamo hinggil sa overpriced alcohol sa Tondo kaya ikinasa ang police operation.
Unang naaresto dakong alas-3:30 ng hapon ng Marso 30 sa Kambal na Krus Church sa may panulukan ng Raxabago Street at Juan Luna ang limang suspek na sina sina Rose Ann Gaddi y Bernardo, 24; na siyang pangunahing target ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 1; Cristina Samson y Tungcab, 34, ang distributor at lider umano ng grupo; Antonio Samson Jr., tricycle driver; Joanne Alejandro y Balingit; at Andrea Nieves y Bernardo, 22.
Dakong alas-nuwebe ng gabi naman ng araw ding iyon nang masakote sa follow-up operation sa panulukan ng Tayuman at Perfecto Street sina Mary Jane Aliga y Laolao, 25, at Bob Cazzie Nellas y Santiago, 36, driver.
Nakabili ang nagpanggap na kustomer ng apat na kahon ng isang brand ng alcohol sa halagang P500 ang isa at kabuuang P30,000 sa suspek na si Gaddi, na umaktong ahente ang tatlo at isa ang tricycle driver na naghatid ng mga alcohol.
Habang nasa presinto ang lima, sinubukang tawagan si Aliga kung may stock pang alcohol at nagdeliber ito ng 150 gallon na tig-isang litro sa halagang P600 ang isa na kabuuang P90,000.
Si Aliga ang katransaksiyon ng buyer habang driver niya sa Mitsubishi Adventure na kulay asul at may plakang NBV 192 si Nellas na kapwa inaresto rin.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Muling tiniyak ni NCRPO director Major General Debold Sinas na mas palalakasin pa nila ang kampanya laban sa mga hoarder at profiteer na sinasamantala ang krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) para kumita. (Armida Rico)