7 BANGKAY NG PUSHER IKINALAT SA BULACAN

Pitong katao kabilang ang isang babae na sina­sabing pawang notorious shabu pusher ang pinakahuling biktima ng Extra Judicial Killing (EJK) o salvage sa Bulacan makaraang matagpuan ang mga ito na nakagapos, binalutan ng packaging tape at nilagyan ng plakard na “Pusher ako” bago ikina­lat ang bangkay ng mga ito sa tatlong magkakatabing Barangay sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi at kahapon.

Ayon kay P/Supt. Wilson Magpali, Acting Chief of Police (COP) ng San Jose del Monte City Police, magkakasunod na natagpuan ng mga resi­dente ang bangkay ng pitong biktima ng EJK, kabilang ang isang lady pusher na pawang wala pang kumpirmadong pagkakakilanlan, ngunit sinasabing pawang residente at tulak ng droga sa nasabing lungsod.

Nabatid na bandang alas-10:00 ng gabi nang unang matagpuan ang dalawang biktima ng salvage sa Barangay Tungkong Mangga ng nasabing lungsod na tadtad ng tama ng bala at naliligo sa sa­riling dugo, kung saan nakagapos, balot ng packaging tape sa mukha at may karatula sa dibdib na may nakasulat na “PUSHER AKO”.

Sumunod namang natagpuan sa kalapit na Barangay Muzon ng natura ding lungsod ang tatlo pang lalaking biktima ng salvage na pawang may kaparehong estilo ng pagpaslang at may nakasabit din na karatulang tulak ang mga ito.

Huling natagpuan naman dakong alas-5:00 ng madaling-araw ang bangkay ng isang lalaki at isang babae sa Barangay Graceville.

Nananatiling blangko ang city police sa tunay na pagkakakilanlan sa pitong biktima ng salvage at pawang may mga karatulang tulak ang mga ito ng droga, ngunit sinasabi ng mga residente sa lugar na lehitimong naninirahan sa lungsod ang mga biktima.

Narekober naman ng Bulacan SOCO Team ang mga basyo ng bala ng ca­liber .45 pistol at .9 mm sa lugar ng krimen.

Sa kabila nito, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makumpirma ang tunay na pagkakakilanlan ng mga biktima ng salvage at sinisi­lip din na isang grupo ng vigilante ang pumaslang sa mga ikinalat na bangkay matapos kumpirmahin ng city police na iisang grupo ang gumawa ng pamamaslang dahil sa isang estilo lang ng pagpatay sa mga ito.