Mahigpit na binabantayan ngayon ang pitong bayan ng lalawigan ng Cagayan sanhi ng pagpasok ng migratory birds na posibleng magdala ng nakamamatay na virus kasunod ng outbreak ng H5N1 bird flu virus sa China.
Ayon kay Cagayan Provincial Veterinary Office (CPVO) officer Dr. Myka Ponce, 2 beses sa isang taon nagsasagawa ng surveillance ang pamahalaan sa mga wetland area na pinupuntahan ng mga migratory bird.
Sinabi ni Ponce, dahil sa malamig na panahon sa ibang bansa ay dumarayo ang mga migratory bird sa Pilipinas partikular sa bayan ng Claveria, Sta. Ana, Enrile, Peñablanca, Sanchez Mira, Buguey at Ballesteros.
Dahil dito, tiniyak ni Ponce na regular ang pagkolekta ng mga sample sa mga itik o pato na may direktang kontak sa mga migratory bird kung saan wala pang nai-record na nagpositibo sa nasabing virus.
Samantala, nagbigay naman ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng government agency at local government unit na magsagawa ng mahigpit na implementasyon ng zoning plan para mapigil ang pagkalat ng African Swine Fever. (Allan Bergonia/Prince Golez)