Naudlot ang tangka ng sindikato ng human trafficking na mailusot ang pito nilang biktima palabas ng bansa na isinabay sa pagdagsa ng mga parating at paalis na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa Undas.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Port Operations Division chief Grifton Medina, dalawa sa mga biktima ay naharang sa NAIA Terminal 3 noong Martes habang pasakay sa kanilang flight papuntang Hong Kong bago sa kanilang huling patutunguhan sa United Arab Emirates kung saan mamamasukan sila bilang household service worker.

Naharang naman ang lima pang biktima sa NAIA Terminal 3 din noong Miyerkoles habang pasakay sa kanilang flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia kung saan pansamantala silang mananatili bago lumipad papuntang Poland para magtrabaho bilang mga factory worker.

Nabatid na ang limang papunta sa Poland ay pina­dala umano ng isang recruitment agency na sinuspinde ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil sa paglabag sa mga panuntunan nito.

Nadiskubre naman na peke ang overseas employment certificate at labor assistance center clearance ng dalawang papunta sa Hong Kong na kanilang ipinakita para palabasing lehitimo silang mga overseas contract worker.

Ibinigay ang pitong pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang imbestigasyon at tulungan na rin na magsampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiter.

Una nang inutos ni BI Commissioner Jaime Mo­rente sa kanyang mga tauhan na doblehin ang kanilang pagbabantay dahil sa mga ulat na sasamantalahin ng mga sindikato ng human trafficking ang holiday upang maipadala ang kanilang mga biktima sa ibang bansa. (Mina Aquino)