7 Bulakenyo pasaway sa ECQ dinampot

Kalaboso ang pitong katao dahil sa hindi pagsunod sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa magkakahiwalay na bayan at siyudad sa Bulacan kamakalawa.

Batay sa report na isinumite sa tanggapan ni Bulacan acting provincial police director Col. Lawrence Cajipe, nakilala ang mga inaresto na sina Marvin Sabaco y Franco, 38, ng Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City; Neil Carlo Amboy Randez, Wendell Banting Aquino, Glenn Garcia, Karl Legaspi, 23, at Jovi Montiagu, pawang residente ng Brgy. Lambakin, Marilao; at Mick de Vera, 20, ng Brgy. Marungko, Angat.

Nabatid na bandang alas-11:45 ng gabi nang arestuhin ng mga awtoridad ang suspek na si Sabaco makaraang makipagtalo ito sa mga pulis habang pagala-gala sa Sarmiento Homes sakop ng Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City, at tinangkang lumabas sa nasabing lugar sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad ang enhanced community quarantine.

Samantala, nakorner naman ng mga barangay tanod ang iba pang suspek habang nag-iinuman sa bahay ni Randez sa Brgy. Lambakin, Marilao.

Pinayuhan umano ang mga ito para magsiuwi na ngunit pumalag at tumangging umuwi kaya inaresto sila ng mga awtoridad.

Inaresto naman si De Vera ng mga opisyal ng barangay habang lango sa alak at nanggugulo sa kanilang lugar sa Brgy. Marungko, Angat.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong direct assault, physical injury, grave threat, alarm and scandal, at paglabag sa enhanced community quarantine. (Jun Borlongan)