Isiniwalat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na anim o pitong kongresista ang kabilang sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero tumanggi si PDEA Director Gene­ral Aaron Aquino na kila­lanin ang mga ito at magbigay pa ng karagdagang detalye ukol sa mga mambabatas na kasama sa listahan ng mga politiko na diumano’y sangkot sa illegal drug trade.

Ayon kay Aquino, hindi muna maaaring panga­lanan o sabihin kung saan lugar, probinsya o distrito ang mga nabanggit na kongresista na aktibo ngayon sa Kamara dahil masusi pa nilang bina-validate ang narco-list.

“Napakahirap mag-validate, maraming pro­seso, pabalik-balik kami sa ground para makasi­guro kung sakaling isapubliko na ang kanilang mga pagkakakilanlan ay may pinanghahawakan na kaming mga matibay na ebidensiya laban sa kanila,” paliwanag ni Aquino.

Una nang sinabi ni Aquino na nasa 82 katao ang nasa narco-list pero posible aniyang tumaas pa ang naturang bilang kapag natapos na ang proseso ng kanilang validation ­dahil marami pa silang natatanggap na impormasyon mula sa national drug information system. ­