Narito ang kukumpleto sa 7 deadly locals na isasabak ng PSL-F2 Logistics Manila sa FIVB World Club Women’s Championship na sisiklab ngayon sa MOA Arena.
Ces Molina
Hindi man kasing sikat ng ibang manlalaro ay kayang makipagsabayan ni Petron spiker Ces Molina sa husay at galing.
Ang dating San Beda top hitter na mula Cabanatuan, Nueva Ecija ay tahimik pero ang kanyang trabaho ang nagsusumigaw kung gaano siya kagaling.
Bahagi siya ng 13-0 sweep ng Petron sa PSL All-Filipino noong 2014 at malaki ang papel sa pagkuha nila ng korona sa sumunod na Grand Prix conference.
Sapat na rin ang international exposure niya dahil kasali siya sa 2015 Asian Women’s Club Championship sa Vietnam at itong taon ay napasama sa Thai-Benmark League sa Bangkok, Thailand.
Mika Reyes
Ang middle blocker ng F2 Logistics na si Mika Reyes ang huling pinangalanan para kumpletuhin ang pitong manlalaro na sasamahan ng pito pang imports sa FIVB WCWC.
Umani ng papuri at pagbatikos ang dating La Salle star matapos maisama sa PSL All-Stars.
Pero tila sanay na si Reyes sa mga masasakit na salita, kanyang ipinagpapasalamat ang mga mabubuting bagay na sinasabi sa kanya.
Mula Pulilan, Bulacan si Reyes at ang kanyang dedikasyon sa sport ang nagdala sa kanya sa world stage.
“Inaamin ko hindi naman ako ang star noong high school, siyempre dahil sa passion mo sa sport at sa dedication mo sa ginagawa mo ‘yun ang magfu-fuel sayo na husayan at ‘wag sumuko,” saad niya.
Sa unang dalawang taon niya sa La Salle ay agad siyang nakakuha ng back-to-back championships bago natalo ng dalawang sunod sa Ateneo pero hindi nasayang ang kanyang paghihirap dahil umalis siya sa UAAP nang may bitbit na korona.