7 HS students sinaniban ng kapre, white lady

Pitong high school student ang patuloy ngayong binabantayan ng kanilang mga kaanak at opisyal ng barangay matapos umanong saniban ng masamang espiritu sa Barangay Daramuangan sa bayan ng Naguilian, La Union.

Ayon kay Barangay Daramuangan chairman Ramil Abun, ang pagkakaputol ng malaking puno ng balete umano ang dahilan ng pagsanib ng mga masasamang espiritu sa mga kabataan sa kanilang lugar.

Base sa kuwento ng mga nasaniban, nakakita umano sila ng kapre at white lady matapos maputol ang naturang puno dahil sa isinasagawang road widening sa kanilang barangay.

Ayon kay Abun, napilitan silang igapos ang mga kamay at paa ng mga kabataan upang hindi sila makatakbo at iuntog ang kanilang mga ulo sa lupa.

Samantala, kasalukuyan ding nakaantabay ang isang albularyo ng gumagawa ng orasyon upang itaboy ang umano’y masamang espiritu na sumanib sa katawan ng high school students. (Allan Bergonia)