Nasakote ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang pitong katao na sangkot sa illegal quarrying sa Bulacan.
Kabilang sa mga naaresto ng NBI-Environmental Crime Division noong Huwebes sa magkahiwalay na lugar sa Encanto, Angat sina Simeon Francisco, Jose Genaro, Conrad Flores, Jayson Caddawan, Narciso Nepales, Rommel Malab, at Ronnel Zacarias.
Bago ang pagsalakay, nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI kaugnay sa iligal na quarrying sa lugar kaya nagsagawa sila ng surveillance hanggang sa makumpirma ang aktibidad.
Nalaman na dinadala umano ang mga nakukuhang materyal sa Angat-Pandi Road boundary, dalawang kilometro ang layo sa quarrying site.
Kaagad na nakipag-koordinasyon ang NBI sa Mines and Geosciences Bureau, na nagresulta ng operasyon.
Nagpakita ng dokumento ang mga suspek na inisyu ng provincial government, pero sinabi ng NBI at MGB na iligal ang kanilang mga dokumento.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Philippine mining act of 1995 ang mga suspek. (Juliet de Loza-Cudia)