Himas-rehas ngayon ang pitong kalalakihan na kilalang pusher at user ng iba’t ibang klaseng shabu makaraang masakote sa isinagawang anti-illegal drugs operation mula sa pinaglulunggaan nilang motel sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ganap umanong alas-kuwatro pasado ng madaling-araw nang ikasa ng mga tauhan ng Quezon City Police District-Cubao Station ang buy-bust operation at target na masakote ang isang nagngangalang Mahor delos Reyes.

Napag-alaman mula sa pulisya na matagal na umanong nagaganap ang ilegal na kalakaran ng ipi­nagbabawal na gamot sa nasabing motel sa lungsod dahil nasa tatlong buwan na umanong naka-check in doon si Delos Reyes.

Nasa pitong kalala­kihan na naka-check in sa magkakaibang kwarto ang naaresto habang na-reco­ver ang assorted o magkakaibang uri ng shabu sa kanila, kabilang ang limang gramo ng pangkaraniwan na sinisinghot ng user, bukod pa ang shabu na inhaled type o hinihigop at ang isa naman ay tinatawag na ice o injected na shabu.

Hindi naman itinanggi ni Delos Reyes na nagbebenta nga umano siya­ ng ilegal na droga, ayon­ pa nga rito ay kumukuha siya ng mga tao na magsisilbing runners na silang magdi-deliver ng mga shabu.

Ang mga umu-order umano sa kanya ng droga ay nagchi-check in muna sa kanyang tinituluyang motel upang hindi mahalatang kukuha ang mga ito sa kanya.

Samantala, kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam na rin kung may pananagutan ba ang pansamantalang hindi pinangalanang establisimyento sa ilegal na transaksyon.