Nabuko na libangan ng pitong katao na sinasabing bumabatak ng ilegal na droga ang pagsusugal, matapos mahuli ang mga ito sa aktong paglalaro ng cara y cruz at makuhaan pa ng shabu, kamakalawa ng gabi sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
Kinilala ni Police Superintendent Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District-Police Station 2 ang mga suspek na sina Joshua Bonilla, 21, at Nelson Pomarejos, 23, na pawang taga-Gate 17 Area D Parola Compound, Tondo, Maynila na nahuli dakong alas-7:15 ng gabi, sa Gate 17 Area D Parola Compound, Tondo.
Habang si Rodolfo Saddi, 40, vendor at taga-897 San Antonio St., Tondo, Maynila ay nahuli rin dakong alas-9:45 naman ng gabi, sa Zaragosa St. kanto ng San Bartolome St. Tondo, Maynila.
Ayon naman kay Police Superintendent Arnold Thomas Ibay, station commander ng MPD-PS 3, nahuli dakong alas-8:25 ng gabi, sa Rizal Avenue, kanto ng Alvarez St. Sta. Cruz, Maynila, sina Bryan Alviar, 18; Jay-Ar Francisco, 18; pawang taga-316 Fugoso St. Sta. Cruz, Maynila; Carlo Flaga, 28, vendor, at taga-323 Alvarez St. Sta. Cruz, Maynila; at si Darwin Rizada, 22, na taga-1100 Batangas St. Tondo Maynila.
Nabatid na nagpapatrolya ang mga pulis nang maaktuhan ang mga suspek sa paglalaro ng cara y cruz at nang kapkapan ay nakuhaan si Saddi ng isang ‘sachet’ na naglalaman ng hinihinalang shabu, habang narekober naman sa posesyon ni Rizada ang isang ‘pen gun’ na may bala.
Nahaharap sa kasong paglabag sa P.D 1602 (Illegal Gambling) ang pitong nahuling suspek, habang nakatakda rin kasuhan si Rizada ng paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions).
Samantalang kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang madadagdag na kaso kay Saddi.