Arestado ang pito katao kabilang ang limang babae sa buy-bust operation ng ­Lucena City police na isinagawa kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa pulisya, ikinasa ang operasyon ala-1:10 ng madaling-araw laban sa hinihinalang drug pusher na si Jonathan Presas sa bahay nito sa Brgy. Ibabang Dupay, na ginawa umanong drug den ng mga gumagamit ng iligal na droga.

Nadakip umano ang suspek sa labas ng bahay nito, agad ding pinasok ng awtoridad ang loob ng bahay at naaktuhan ang anim pa na tiyempong magsasagawa ng pot session.

Kinilala ang mga naaresto pa na sina Elizabeth Ario, Robelyn Madasuc, Catlyn Ornedo, Mary Ann Magnaye, Michelle Dejeto at ­Oscar Ostonal na magkakapitbahay sa nasabing barangay.

Narekober sa mga ito ang limang ­sachet ng shabu na may ­timbang na 1.62 gramo at ­may street value na P3,000.
Nakakulong na ang mga suspek sa Lucena City police station locked up cell at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.