Ipinag-utos na kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na sibakin sa puwesto ang pitong pulis-Navotas na naaresto ng kanilang mga kabaro sa kasong extortion.

Kinilala ni Albayalde ang pitong pulis na sina PO3 Kenneth Loria, PO2s Jonnel Barocaboc at Jessrald Pacinio; PO1s Emmanuel Benedict Alojacin, Mark Ryan Mones, Christian Paul Bondoc at Jack Rennert Etcubañas, mga nakatalaga sa Navotas Police Station.

Sinabi ni Albayalde, dinakip ang pito ng mga tauhan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) dahil sa pangingikil ng P100,000 sa isang Mark Echapare ng Barangay Longos, Malabon na kanilang inaresto dahil umano sa droga.

Isa sa mga suspect ang gumamit sa cellphone ni Echapare at tumawag sa nanay nito at humihingi ng P100,000 kapalit ng kalayaan ng anak.

Binantaan pa umano ng pitong pulis si Echapare na papatayin kapag hindi nakapagbigay ng hinihiling na pera.

Lihim namang nag­reklamo sa mga tauhan ng CITF ang ina ni Echapare kaya’t isinagawa ang entrapment operation sa isang mall sa Malabon pero nakatunog ang mga suspect kaya hindi sila dumating.

Nakipag-ugnayan ang CITF sa Northern Police District (NPD) at nakumpirma ang identity ng mga suspect kaya’t sa tulong ng kanilang superior na si Senior Superintendent Allen Ocden ay nadakip ang mga ito.