7 kompanya hinahabol ng BIR sa ₱825M buwis

Pitong kompanya ang kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax evasion sa Department of Justice (DOJ) para mahabol ang P825 milyong halaga ng buwis para sa mga taong 2008, 2010, 2011 at 2012.

Kabilang sa mga ito ang Body Needs & Basic Inc. Corp. ng Pasig City na hinahabol ng BIR para sa P40.4 milyong buwis noong 2010; Firotech Fire Protection Inc. ng San Juan na may utang na P26.6 milyong buwis noong 2011; Cristimar Corp. ng Antipolo City para sa P27.4 mil­yong buwis noong 2011; Forthwave Global Inc. ng Marikina City para sa P14.5 milyong buwis noong 2012; Asiatech Construction & Indus­trial Corp. ng Pasig City para sa P10.1 milyong buwis noong 2011.

Kasama rin ang mga negosyanteng sina Donato Pe Benito Bautista na may-ari ng Maerdi Foods/Bestlink Tra­ding ng Taytay, Rizal para sa P698.5 mil­yong buwis noong 2008; at si Digna Garrovillas Francisco ng Dimicor Trading & Gene­ral Merchandi­sing ng Morong, Rizal para sa P34.7 milyong buwis noong 2012.

Para sa mga kompan­ya, kasama sa kaso ang kanilang mga opisyal tulad ng presidente, treasurer at iba pa.

Sabi ng BIR, ang mga kinasuhan ay sakop ng Region No. 7B-East NCR. Bago sila kinasuhan sa DOJ ay pinadalhan muna sila ng letters of autho­rity para mainspeksyon ang kanilang mga libro, at mga request para sa presentation of records.

Pinadalhan na rin ang mga ito ng Preliminary Assessment Notices, Final Assessment Notices, Formal Letters of Demand pati na ng Final Decision on Disputed Assessments ngunit hindi sila nagba­yad, nagprotesta o nagsumite man lang ng mga dokumento para i-contest ang kuwenta ng BIR sa kanilang mga kakula­ngan sa buwis. Hindi rin sila dumulog sa Court of Tax Appeals para labanan ito kaya’t final, executory, at demandable na ang hinahabol na buwis ng BIR. (Eileen Mencias)