Patuloy ang paghahanap ng mga kinaukulan sa pitong mangingisda sa karagatang sakop ng Dasol, Pangasinan, ayon sa Philippine Coast Guard-Pangasinan (PCG-Pang) kahapon.
Ayon sa pahayag ng PCG-Pang, isang aerial search ang ginagawa sa ngayon para hanapin ang mga nawawalang mangingisda sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Airforce (PAF) at Philippine Navy (PN).
Base sa ulat ng PCG-Pang ang mga mangingisda na lulan ng FB Narem 2 ay nakilalang sina Alberto Roldan, bilang kapitan ng barko at mga crew na sina Roderick Montemayor, Homar Maglantay, Jerome Maglantay, Ejay Dela Cruz, Larry Legaspi, at Jefferson Bernabe.
Sinabi ni Christine Macaraig, may-ari ng FB Narem 2, ang mga mangingisda ay umalis noong Enero 6 at nakatakdang bumalik noong Enero 14 ngayon taon sa Infanta, Pangasinan ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa bumabalik.
Samantala, ayon sa source ng PCG, ang mga nawawalang mangingisda ang umanoy pangunahing nagsiwalat tungkol sa mga giant clam na kinukuha ng mga Chinese fisherman sa Scarborough shoel.
Matatandaan na ilang mga Chinese vessel ang namataan na kumukuha ng mga giant at Panatag Shoal sa may West Philippine Sea sa kabila ng protesta ng mga maritime officials at mangingisda sa Pangasinan na naglayag noong isang taon sa nasabing shoal. (Allan Bergonia)