7 minero sa Agusan del Norte nasawi sa landslide

Nasawi ang pitong katao habang isa ang nakaligtas makaraang matabunan ng gumuhong lupa sa Mt. Manhupay sa boundary ng Santiago at Jabonga, Agusan Del Norte habang nananalasa ang bagyong Amang.

Kinumpirma ni Chief Supt. Gilbert Cruz, Caraga Police Provincial Director, ang mga pangalan ng nasawing sina Rene Gan-ungunlligan, Ramil Iligan, Casiano Iligan, Tata Salasay, Rex Pening, Jay-i Matanog, at isang alyas Gang-gang, pawang­ mga residente ng Surigao Del Sur.

Ayon sa pulisya, lumapit sa kanilang himpilan ang isang Jasmin Ila­gan para iulat na hindi pa nakakabalik ang kanyang asawa at mga kasamahan nito simula nang umalis noong Enero 20 dakong alas-9:00 nang gabi para magmina sa nasabing bundok.

Nang magsagawa ng follow up operation ang mga awtoridad ay nakita ang nag-iisang nakaligtas sa insidente na si Allan Daging, 29.

Nasa pagamutan na si Daging at nakuha na ang apat na bangkay ng kasamahan nito habang patuloy ang search and retrieval operation ng mga awtoridad para mahanap ang iba pang labi ng mga biktima.