Boluntaryong sumuko ang pitong pulis ng Las Piñas kay Southern Police District Acting District Director PS/Supt. Eliseo DC Cruz, matapos na masangkot sa kidnapping noong Nobyembre 21.
Kinilala ang pangunahing suspek na sina PO3 Joel Lupig, PO2 Vener Guanlao at Jayson Arellano kabilang sina PO1 Raymart Gomez, Ericson Rivera, Mark Fulgencio at Jeffrey de Leon kung saan kasama nila nang sumuko ang kanilang mga abogado.
Una umanong sumurender si Rivera habang ang anim ay magkakasabay na sumuko dakong alas-sais nang gabi kay Cruz.
Ang mga pulis ay dinisarmahan at nasa kustodiya na ng SPD. Inakusahan ang mga itong kumidnap at nangikil sa isang suspek sa iligal na droga na nakilala lang sa alyas na Ric, menor de edad.
Sanhi ng naturang insidente, sinibak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang hepeng si PS/Supt. Marion Balonglong at ang 36 iba pang miyembro ng drug unit.
Sa kuwento ng biktimang si alyas ‘Ric’, gabi ng Nobyembre 20 nang hulihin at gulpihin siya ng pitong pulis dahil sa pagbebenta umano ng isang kilo ng marijuana.
Kinabukasan, nakatanggap ang kapatid niyang si alyas ‘Net’ ng tawag na humihingi umano ang mga pulis ng P200,000 kapalit ng kalayaan ni Ric na kalauna’y napababa sa P30,000.
Agad na dumulog sa Cavite City police ang kaanak ng biktima at dito ikinasa ang entrapment operation at isang 13-anyos na nagpakilalang ‘Striker’ ang sumalubong sa kanya para kuhanin ang pera.