Nahaharap ngayon sa kasong kriminal at admi­nistratibo ang pitong pulis na nasangkot sa iligal na pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay PNP Director General Oscar Albayalde, kabilang ang pitong pulis sa 23 katao na inaresto sa iba’t ibang kaso ng iligal na pagpapaputok ng baril mula sa 26 na mga kaso ng ‘illegal discharge of firearms nationwide’ mula Disyembre 16, 2018 hanggang alas-sais ng umaga nitong Enero 1, 2019.

Ilan sa mga inaresto ay dalawang opisyal ng gobyerno, isang AFP serviceman, 20 sibilyan, dalawang security guard at isa pang miyembro ng law enforcement agency.

“As I have promised, there will be no mercy for errant personnel who will fire their guns to celebrate the holiday,” sabi ni Albayalde sa kanyang inilabas na pahayag kahapon.

Kailangan aniyang ipataw ang karampatang parusa laban sa mga “trigger-happy gun owners”.

Napag-alaman na nagpakalat ang PNP ng 26,676 pulis para magbantay sa kaligtasan sa mga matataong lugar katulad ng mga pantalan, bus terminal at mga mall na kadalasang target ng mga nais maghasik ng kaguluhan sa holiday season.

Umaabot naman umano sa 87 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa batas at ordinansa sa pagbebenta at paggamit ng mga paputok.

Pinuri rin ni Albayalde ang mga PNP regional director at mga lokal na unit ng pulisya gayundin ang mga commander dahil sa epektibong implementasyon ng Ligtas Kapaskuhan 2018, ang national security plan at public safety plan nitong nakaraang holiday season dahil na rin sa ulat ng Department of Health tungkol sa makasaysayang pagbaba sa 68 porsiyento ng mga firecracker-related injury at zero stray bullet casualty ­ngayong pagsalubong ng Bagong Taon. (Edwin Balasa)