7 sasakyan inararo ng dump truck

Todo-hingi ng patawad ang isang dump truck driver matapos masawi ang isang 57-anyos na lalaki nang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang minamaneho niyang dump truck at inararo ang pitong sasakyan sa West Service Road sakop ng Merville, Barangay 201 sa Pasay City, Linggo ng umaga.

Batay sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pitong sasakyan ang inararo ng dump truck na minamaneho ni Wilmer Talugtug, driver ng Leonel Waste Management sa Parañaque City.

Nangyari ang karambola bandang alas-7:21 ng umaga kung saan nahagip ng dump truck ang dalawang kotse, isang taxi, dalawang jeep at dalawang motorsiklo.
Sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima na kinilalang si Joaquin Bolaños at nakatira sa nabanggit na barangay, nang mangyari ang insidente kung saan naipit ang motorsiklo nito sa karambola ng mga sasakyan.

Nasa pitong katao naman ang nasugatan.

“Hihingi sana ako ng tawad sa kanila. Hindi ko naman kagustuhan din,” paliwanag ng suspek na todo ang hingi ng patawad sa mga kamag-anak ng nasawi.

Nabatid na pumailalim sa dump truck ang motorsiklo ng biktima at naipit ito ng gulong.

Nakakulong ngayon si Talugtug sa Pasay City Police at nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury, at damage to property. (Vick Aquino)