Hindi sa bahay kundi sa loob ng bilangguan mananatili ang pitong katao na nahulihan ng P1 milyong halaga ng shabu, mga baril at bala sa isinagawang buy-bust operation ng mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) sa Caloocan City noong Martes, Abril 7, ng hapon.
Kinilala ni QCPD director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga inaresto na sina Mark Anthony Santos, 23; Philip Wayne Matthews, 22; Bert Mangampo, 44; Custodio Carnasa, 35; Ricky Arquiza, 33, pawang nakatira sa Caloocan City; Eddie Bon Alardo, 29, at Cherielyn Dianan, 18, kapwa naninirahan sa Valenzuela City.
Nasakote ang mga suspek dakong alas-11:00 ng umaga sa isang kuwarto na nasa ikalawang palapag ng isang apartment sa Dela Cruz Compound sa Barangay 165, Bagbauin, Caloocan City.
Isinagawa ang buy-bust ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Novaliches Police Station 4 sa pamumuno ni Lt. Col. Hector Amancia.
Matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad ay agad nilang ikinasa ang buy-bust laban sa mga suspek kung saan isang pulis ang nagkunwaring bibili ng P7,500 halaga ng shabu.
Habang nagpapalitan ng pera at droga, naglabasan umano mula sa kanilang pinagtataguan ang iba pang mga operatiba at dinakma ang mga suspek.
Nasamsam sa mga suspek ang 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000, walang lisensiyang baril na caliber .45 na naglalaman ng walong bala, caliber .38 Armscor 202 na kargado ng anim na bala, dalawang cellphone, digital weighing scale at nabawi rin ang buy-bust money. (Dolly B. Cabreza)