Nasawi ang isang 70-anyos na lola nang hindi makalabas sa nasunog nilang bahay sa Sta. Ana, Maynila kahapon.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang biktimang si Helen Alvarez, taga-Diamante Street.

Nabatid kay FSInsp. Guillermo Fermalino, nagsimula umano ang sunog alas-11:58 ng umaga na umabot lamang sa unang alarma at idineklarang fire out dakong alas-12:40 ng tanghali.

Sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa bahay ng biktima kung saan nadamay ang dalawa pang apartment.

Patuloy naman inaalam ang sanhi ng pagsiklab ng apoy at halaga ng napinsalang ari-arian.(Juliet de Loza-Cudia)