70 pasyente nakarekober

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) na 70 pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nakarekober hanggang kahapon ng alas-4:00 ng hapon.

Sa inilabas na DOH COVID19 Bulletin No. 43 , umakyat na ngayon sa kabuuang 862 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling na matapos na tamaan ng virus.

“Today (Linggo), DOH announces seventy new recoveries. This brings the total number of recoveries to 862,” anunsiyo ng DOH.

Gayunman, nakapagtala rin ang DOH ng bagong 285 COVID-19 cases, kaya’t mula sa dating 7,294 lamang nitong Sabado ay naging 7,579 na ang kabuuang bilang nito sa ngayon.

Sila ay binigyan ng DOH ng patient ID# na PH7,295-PH7,579.

Samantala, may 7 pasyente naman ang binawian ng buhay dahilan para umabot sa 501 ang death toll ng COVID-19 sa bansa.

Pinayuhan naman ni Usec Maria Rosario Vergerei ang publiko na kumain ng masustansiya, mag -ehersisyo para lumakas ang resistensiya.

Palagiang maghugas ng kamay, magsuot ng facemask at sundin ang social distancing para hindi mahawa ng virus. (Juliet de Loza-Cudia)